Manila LGU, handang magbigay ng Molnupiravir para sa mga dumaranas ng mild COVID

Dagdag 20,000 tableta ng Molnupiravir ang natanggap ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Sa kabuuan ay nasa mahigit 40,000 tableta na ang imbak ngayon ng Manila Local Government Unit (LGU) para sa mga dumaranas ng mild o hindi malalang kaso ng COVID-19.

Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kahandaan ng lokal na pamahalaan na magbigay ng Molnupiravir sa mga nangangailangan nito kahit hindi taga-Maynila.


Ang kailangan lang gawin ay tumawag sa Manila Health Department (MHD) at ibigay ang detalye ng taong nangangailangan ng gamot.

Kabilang sa impormasyong kailangan ang pangalan, address, contact number ng pasyente, kopya ng reseta ng doktor, waiver na nilagdaan ng doctor at pasyente at RT-PCR result.

Bukod sa pamimigay ng gamot para sa mga COVID patients ay binigyang diin ni Mayor Isko na nananatili ring bukas ang vaccination sites sa lungsod kahit sa mga hindi taga-Maynila.

Pangunahin dito ang booster shot drive-thru para sa lahat ng motorcycle at bicycle riders sa Kartilya ng Katipunan sa Lawton kung saan available ang lahat ng brand ng COVID-19 vaccine.

Samantala, masayang ibinalita naman ni Mayor Isko na hanggang alas-6:00 kaninang umaga ay umabot naman sa 3,828 indibidwal na sakay ng 1,773 behikulo ang nabakunahan sa drive-thru booster shot vaccination caravan sa Quirino Grandstand.

Facebook Comments