Itinanggi ng lokal na pamahalaan ng Maynila na isasapribado nila ang nasunog na Pritil Public Market.
Mismong si Mayor Honey Lacuna ang nagpahayag nito upang mawala na ang pangamba ng mga naka-pwesto o mga nagtitinda sa Pritil Public Market.
Aniya, mananatili itong pampubliko subalit isasailalim nila ito sa rehabilitasyon upang maging modernong pamilihan.
Humihingi naman ng pang-unawa si Mayor Honey sa mga vendor ng Pritil Public Market dahil sa may katagalan rin bago matapos ang nasabing proyekto.
Una ng binisita ng alkalde ang mga naapektuhan ng nakaraang sunog kung saan inalam nito ang kanilang katayuan at kondisyon kasabay ng planong pagbibigay ng mga serbisyo.
Matatandaan na umabot sa 491 mga stall sa loob ng pamilihan ang natupok ng apoy, na umakyat sa ika-5 alarma at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malaman amg pinagmulan ng insidente.