Manila LGU, magtatayo ng sariling COVID-19 testing lab

Sinisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang konstruksyon ng sarili nitong COVID-19 testing laboratory sa Sta. Ana Hospital.

Ito ay para palakasin pa ang mass testing operations bilang tugon sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Mayor Francisco “Isko” Moreno-Domagoso, ang nasabing testing laboratory na itinatayo sa ikalawang palapag ng ospital ay bilang paghahanda na rin ng pamahalaang lungsod sa mga darating na buwan habang nananatili ang COVID-19 sa bansa.


Gagamitin sa pagtatayo ng COVID-19 testing laboratory ang ₱292 milyon na inilaang pondo ng national government sa lungsod.

Bukod dito sa laboratoryo, nais din ni Mayor Isko na magkaroon ng quarantine facilities sa bawat distrito ng Maynila.

Ang mga nasabing pasilidad ay itatayo sa Tondo Sports Complex, Tondo High School, T. Paez Elementary School (District 1), Del Pilar Quarantine Facility (District 2), Arellano HS (District 3), P. Gomez (District 4), San Andres Sports Complex (District 5) at Bacood Sports Complex (District 6).

Facebook Comments