Muling hinihikayat ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang bawat residente sa lungsod na may kamag-anak o kapamilya na bedridden citizens na iparehistro sila upang mabigyan ng bakuna.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, makipag-ugnayan agad sa barangay ang kaanak o kapamilya upang maisaayos ang kanilang home service vaccination schedule.
Iginiit ni Mayor Isko na mahalagang mabigyan ng bakuna ang mga bedridden citizens lalo na’t isa sila sa mga madaling mahawaan ng sakit.
Kaugnay nito, inatasan ni Mayor Isko ang mga punong barangay sa lungsod ng Maynila na magsumite ng isang listahan ng lahat ng kanilang bedridden citizens.
Ito’y upang mas mapadali ang pagbabakuna at agad na maaayos ng lokal na pamahalaan ang schedule.
Matatandaan na inilunsad ni Mayor Isko ang home service vaccination program bilang bahagi ng plano ng lokal na pamahalaan na maisama ang lahat ng residente sa pagbabakuna sa lungsod.