Muling nagpapa-alala ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga residente nito na huwag maging kampante kahit pa unti-unting bumababa ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Nabatid kasi na nitong nakalipas na araw bumaba ng higit 100 ang kabuuang bilang ng aktibong kaso ng virus sa lungsod kaya’t nais ng Manila Local Government Unit na magtuloy-tuloy ito.
Ang mga nabakunahan naman ay pinapayuhan pa rin na sumunod sa mga inilatag na health protocols upang maiwasan na tamaan ng COVID-19.
Kaugnay nito, patuloy na nag-iikot sa bawat barangay, palengke at iba pang pampublikong lugar ang mga itinalagang COVID-19 Marshalls para paalalahanan ang laaht na may mga health protocols na ipinapatupad.
Samantala, muling binalaan ng APLAYA PCP Baseco Station-13 ang mga magbabalak na maligo sa Baseco Beach na huwag ng magpumilit pa.
Ito’y upang hindi maharap sa kaso lalo na’t malinaw itong paglabag sa mga ipunapatupad na health protocols at ordinansa sa lungsod.
Nabatid kasi na nitong nakalipad na araw, may ilang mga pasaway ang nagtampisaw at naliligo sa Beach Front kung saan pinauwi at pinagsabihan ni Lt. Col. Robert Domingo ang mga violator.