Manila LGU, nag-anunsyo na sarado sa Undas ang lahat ng public at private cemeteries sa Maynila

Naglabas na ng kautusan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na nagbabawal sa pagbisita ng publiko sa lahat ng mga pampubliko at pribadong sementeryo sa darating na Undas.

Sa Executive Order (EO) No. 38 na pirmado ni Manila Mayor Isko Moreno, ipinag-utos nito ang pansamantalang pagsasara sa lahat ng public at private cemeteries sa Maynila mula October 31 hanggang November 3, 2020.

Sa harap ito ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.


Kasama sa mga pansamantalang sarado sa naturang mga petsa ang lahat ng mga memorial parks at mga columbarium sa Maynila.

Ang papahintulutan lamang sa Undas ay ang paglilibing at cremation services ng mga non-COVID cases o ang mga nasawi sa ibang kadahilanan at hindi sa COVID-19.

Pero dapat pa ring sundin ang minimum public health standards at tamang physical distancing.

Nilinaw naman ni Moreno na sakaling magbago ang ipinatutupad na public health protocols ng national government bago sumapit ang Undas ay handa siyang bawiin ang kanyang EO.

Facebook Comments