Manila LGU, nagsasagawa ng survey para malaman kung anong bakuna kontra COVID-19 ang nais ng mga medical frontliner at residente sa lungsod

Nagsagawa ng survey ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa mga medical frontliner sa lungsod.

Ayon kay Cesar Chavez, ang Chief of Staff ni Mayor Isko Moreno, ito ang nais ng alkalde para malaman kung anong bakuna kontra COVID-19 ang gusto ng mga healthcare worker.

Kabilang sa mga tinatanong ay ang mga tauhan ng Manila Health Department (MHD) at mga personnel ng anim na ospital na nasa ilalim ng lokal na pamahalaan ng Maynila.


Sa paunang resulta na ibinahagi ng MHD, karamihan sa mga medical frontliner ay handa na mabakunahan ng Sinovac vaccine.

Ang mga direktor naman ng anim na district hospitals sa Maynila ay magboboluntaryo na rin na maturukan ng nasabing bakuna na galing ng bansang China.

Matatandaan na una na rin inihayag ni Moreno na walang problema para sa kaniya kung ang bakunang Sinovac ang gagamitin at handa siyang magpabakuna nito.

Samantala, tiniyak ni Chavez na tuloy-tuloy ang kanilang pagtatanong sa mga medical frontliner, maging sa mga residente lalo na ang mga nakatatanda, mga manggagawa at iba pa.

Kabilang naman sa mga bakuna na bibilhin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay ang AstraZeneca kung saan nakapagpa-reserve na sila ng 800,000 doses habang ang Sinovac at iba pang bakuna ay maaari rin nilang gamitin basta’t otorisado ng Food and Drug Administration (FDA).

Facebook Comments