Paiimbestigahan ng Manila LGU ang mga nakalaylay na kable ng kuryente, telepone, at internet sa lungsod.
Ayon kay Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Special Operations Chief Michael Manuel, ito ay kasunod ng mga insidente kamakailan na kinasangkutan ng mga aksidente ng mga sasakyan dulot ng mga kable.
Dagdag ni Manuel, nakipag-ugnayan na ang task force anti-dangling ng Manila Engineering Department sa mga pribadong sektor, partikular sa mga contractor ng mga internet at telecommunication hinggil dito.
Ito aniya ay para mapaalalahanan ang mga ito na gawing prayoridad sa pagkakabit ng kanilang linya ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan.
Matatandaang noong Sabado ng gabi, isang mixer ang sumabit sa mga kawad sa ilalim ng Legarda Flyover sa Brgy. 410 Zone 42, at mabuti nalang aniya ay hindi nadamay ang kuryente.
Noong unang linggo naman ng Agosto, napaulat ang pagbagsak ng ilang poste ng kuryente sa Binondo, Maynila na ikinasugat ng tatlong katao at ikinasira ng walong sasakyan.