Manila Mayor Isko Moreno, hinikayat ang publiko na suportahan ang mga susunod na uupo sa pamahalaan

Photo Courtesy: Radyoman Emman Mortega

Hinikayat ni outgoing Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mga batang Manileño na suportahan ang liderato ng susunod na alkalde ng lungsod na si Vice Mayor Honey Lacuna.

Sa kanyang huling flag ceremony bilang alkalde ng lungsod, kumpiyansa ang alkalde na kaya ni Lacuna na patakbuhin ang lungsod.

Ngunit kailangan aniya ni Lacuna ang suporta ng lahat ng Manileño upang tuluy-tuloy ang serbisyo at maging matagumpay.


Kasabay nito ay nanawagan si Moreno sa mga taga-lungsod na suportahan ang susunod na administrasyon ni President-elect Bongbong Marcos.

Dinagdag din niya na tapos na ang halalan at kailangang isipin ang tagumpay ng pamumuno ni Pangulong Marcos Jr.

Paalala ni Moreno, huwag ipanalangin na bumagsak o mabigo ang susunod na pangulo dahil kapag bumagsak ang kanyang pamumuno ay babagsak ang pamahalaan at apektado ang sambayanang Pilipino.

Mahigpit ding paalala ni Moreno na sa pagpasok ng mga bagong pinuno ay panatiliin ang karakter sa pagharap sa lahat ng pagsubok dahil ito ang pinaka-mahalaga.

Sa kanyang huling talumpati, pinapurihan ng alkalde ang lahat ng departamento dahil sa suportang ibinigay nila habang siya ang nakaupo sa pwesto.

Facebook Comments