Muling ipinaalala ni Manila Mayor Isko Moreno ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Moreno, maiging sumailalim sa pagbabakuna ang bawat residente sa lungsod ng Maynila upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Pero aniya, kung sakaling mabakunahan na, kinakailangan pa rin na magsuot ng face mask at pairalin ang physical distancing hangga’t hindi nagiging zero ang kaso ng COVID-19 sa lungsod at sa buong bansa.
Muli ring sinabi ni Moreno na bakuna na lamang ang kanilang hinihintay at nakahanda na ang lahat ng plano at programa para dito kung saan sa katapusan ng Enero ay tapos na rin ang itinatayong storage facility sa loob ng Sta. Ana Hospital.
Nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa iba pang kumpaniya na gumagawa ng COVID-19 vaccine tulad ng Moderna, Novavax at Covax sakaling kailanganin pa ng karagdagang bakuna.