Tiniyak ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagbibigay ng P10,000 na cash assistance sa mga pamilyang nasunugan sa residential area sa Barangay Mambaling, Cebu City noong nakaraang buwan.
Personal na pumunta ng Cebu si Moreno upang alamin ang kondisyon ng higit 900 pamilya na nasunugan at kasalukuyan ngayong naninirahan sa Alaska Mambaling Elementary School at Mambaling Barangay Hall Gymnasium.
Ayon kay Morena na standard bearer ng Aksyon Demokratiko, bawat pamilyang nasunugan ay magkakaroon ng P10,000 upang panimula sa pagpapatayo muli ng kanilang tirahan.
Aniya, nang nakita niya ang sinapit ng mga residente ay naalala niya ang nangyari sa kanila noon sa Tondo na naubos lahat.
Sa datos ng Cebu City Government’s Department of Social Welfare and Services, 944 pamilya o 2,200 indibidwal ang nawalan ng tirahan dahil sa naturang sunog.
Kasabay nito, hiningi ni Moreno ang suporta ng mga Cebuano para sa 2022 presidential elections.
Una nang sinabi ni Cebu 3rd District Rep. Pablo John “PJ” Garcia ang ikinokonsidera ng One Cebu ang pag-endorso kay Moreno sa presidential elections.