Manila shield, ipapatupad ng PNP dalawang araw bago ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.

Ipapatupad ng Philippine National Police (PNP) ang Manila shield o ang pagpapatupad ng mahigpit na checkpoints bago makapasok sa Manila dalawang araw bago ang inagurasyon ni President Elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Ito ay sa harap na rin nang mga impormasyong may mga militanteng grupo sa Tarlac ang nag-o-organize nang kilos protesta.

Ayon kay PNP Directorate for Operations Major General Valeriano Del Leon, ang NCRPO ang tututok sa mahigpit na checkpoints para maharang ang mga magtatangkang manggulo sa mismong araw nang inagurasyon.


Dagdag ni Del Leon, pinapayagan lang ang mga raliyista sa mga Freedom Park pero kung sila ay lalampas sa mga lugar na ipinagbabawal ang rally nakahanda aniya ang mga pulis na rumesponde kasabay nang pagtiyak na paiiralin ang maximum tolerance sakaling may mga magpumilit na mga raliyista.

Bukas naman daw ang PNP na makipagdayalogo sa mga magpaplanong magsagawa ng kilos protesta para pag-usapan ang kanilang planong rally nang sa ganun ito ay maging organisado at payapa.

Sa kasalukuyan, walang serious threat na natatangap ang PNP sa gaganaping inagurasyon ni President-elect Marcos Jr., pero ayon sa PNP may mga intelligence report silang natanggap na may grupong magsasagawa nang panggugulo.

Kaya naman nakahanda aniya ang PNP para rito.

Facebook Comments