Pinag-iingat ng Manila Veterinary Inspection Board o VIB ang publiko sa mga karneng bibilhin ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay Manila VIB Head Dr. Nick Santos, may mga nakalulusot pa ring mga “hot meat” o “botcha.”
Dapat aniyang maging alerto at suriin ito ng mga consumer para sa kanilang kaligtasan at kalusugan.
Dagdag pa ni Santos, dapat ding tiyakin na ang mga bibilhing karne ay mayroong permit na mula sa National Meat Inspection Service o NMIS o kaya’y sa Manila VIB.
Masasabing botcha ang karne kapag kakaiba na ang kulay at “texture” nito at mabaho na ang amoy.
Tiniyak naman ni Santos na tuloy-tuloy ang pagmo-monitor nila laban sa mga nagpupuslit o nagbebenta ng mga botcha.
Mag-iikot din ang ahensya sa iba’t ibang pamilihan sa Maynila, partikular sa Blumentritt, Divisoria at Paco upang personal na makita kung may nagbebenta ba ng mga botcha, o kung ang produkto ay hindi maayos ang kalidad.