Alinsunod sa panukalang Centenarians Act of 2016, personal na ibinigay ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang chekeng nagkakahalagang P100,000 sa mga taong umabot ng edad 100 mula sa naturang siyudad nitong Huwebes.
Pahayag ni Moreno, pinuntahan nila mismo ang mga senior citizens para hindi na sila mahirapan pang kumuha ng benepisyo mula sa gobyerno.
Nakipag-selfie din si Moreno sa mga lolo at lola na kaniyang dinalaw.
Ayon sa R.A. 10868 na pinirmahan noon ni Pangulong Rodrigo Duterte, makakuha ng P100,000 ang sinumang Pinoy na sasapit sa ganung edad.
Matatandaang nilagdaan din ng alkalde ang ordinansang tatanggap ng P500 kada buwan ang mga Manileñong edad 60 pataas.
Sa ilalim ng polisya, idedeposito sa mga ipamimigay na ATM cards ang monthly allowance.
Batay sa datos ng Manila’s Office for Senior Citizen’s Affairs (OSCA), 168,000 ang registered senior citizens sa lungsod.
Naglaan ang lokal na pamahalaan ng P1.11 bilyon para sa nasabing pension program.