
Isang 23-anyos na manininda ng prutas ang naaresto matapos makuhanan ng tinatayang ₱34,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa San Fernando City, La Union, gabi ng Pebrero 25, 2026.
Pinangunahan ng City of San Fernando Police Station ang operasyon, katuwang ang iba pang operating units, sa koordinasyon ng PDEA RO1, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na residente rin ng nasabing lungsod.
Nakumpiska mula rito ang humigit-kumulang limang gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱34,000, na nakalagay sa walong pakete, kabilang ang naibenta at nakumpiska sa operasyon.
Narekober din ang mga non-drug evidence na kinabibilangan ng ginamit na buy-bust money.
Isinagawa sa mismong lugar ang pagmamarka at imbentaryo ng mga ebidensya sa harap ng suspek at mga itinakdang saksi alinsunod sa itinakda ng batas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na mahaharap sa kaukulang paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










