Manipis na suplay ng manok sa bansa, epekto ng pagtaas ng demand sa pagbubukas ng ekonomiya ayon sa DA-BAI

Kinumpirma ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na ang pagnipis ng suplay ng manok sa bansa ay dahil sa pagtaas ng demand sa pagbubukas ng ekonomiya.

Sa isang panayam, sinabi ni DA-BAI Director Reildrin Morales na nakatutok lamang kasi ang produksyon ng mga magsasaka o producers ng manok sa lebel na kung saan nakasara pa ang merkado.

Dagdag pa ni Morales, kahit walang kaso ng Avian Influenza sa mga broiler ay isa pa rin sa tinitignang dahilan ng mga magsasaka ang trend nito kung kaya’t hindi napupuno ang produksyon ng manok.


Mataas din aniya ang presyo ng patuka at produktong petrolyo dahil sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na nakakaapekto sa kanilang operasyon.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Morales na magiging maganda ang resulta ng cycle ng broiler ngayong buwan upang mahabol ang demand sa merkado.

Facebook Comments