Manipulasyon sa presyuhan ng langis, uungkatin sa Kamara

Pinasisilip ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang manipulasyon sa presyuhan ng mga produktong petrolyo at langis sa bansa na itinuturong dahilan ay ang drone attack sa oil facilities ng Saudi Arabia.

 

Sa House Resolution 390 na inihain ni Marikina Rep. Stella Quimbo, pinauungkat nito ang dahilan ng biglang pagsipa ng presyo ng langis noong nakaraang Linggo.

 

Aniya, siyam na araw pagkatapos ng ‘drone attack’ sa Saudi o noong September 23 ay nagpataw ng taas-presyo ang local oil companies sa P2.35 sa kada litro ng gasolina, P1.80 sa kada litro ng diesel at P1.75 kada litro sa kerosene


 

Kinukwestyon ni Quimbo kung bakit gumalaw na ang presyuhan ng langis kung ang dahilan ay ang pagpapasabog sa oil plant ng Saudi gayong dapat mayroong 30 araw na nakaimbak na suplay ang mga local oil players.

 

Batay aniya sa Department of Energy memorandum circular, dapat ay mayroong imbentaryo ng suplay ang mga kumpanya ng langis para sa minimum na 15 araw.

 

Ang lahat naman ng refinery ay kailangang may minimum na pang tatlumpung araw na imbak na suplay.

 

Tinukoy din ni Quimbo na dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa ay ang hindi tamang paggamit ng pricing formula ng DOE kung saan linggo-linggo ay maaaring magtaas o mag-adjust ng presyo ng langis.

Facebook Comments