Manila, Philippines – Ang pagsasabuhay sa integridad at moralidad ang naging sentro sa paggunita sa ika-isandaan-apatnapung taong kaarawan ni dating Pangulong Manuel Quezon sa isang seremonya sa Quezon Memorial Circle kaninang alas-otso ng umaga.
Bagama’t maulan, itinuloy pa rin ang pag-aalay ng bulaklak at programa na pinangunahan nina Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista, Quezon City Police District (QCPD) District Director Chief Supt. Joselito Esquivel, Israel Ambassador Effie Ben Matityau at ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
Panauhin din sa aktibidad si Yael Buencamino, ang apo sa tuhod ni Quezon.
Ayon kay Buencamino, ang pagsasabuhay ng bagong henerasyon sa nasimulan ng kanyang lolo ang siyang patunay na talagang naaalala pa siya hindi lang ng mga taga-Quezon City kundi ng sambayanang Pilipino.
Kasabay naman ng paggunita sa birth Anniversary ni Quezon ay opisyal na pinasinayaan ang Presidential Car Museum sa loob ng QMC kung saan makikita ang mga sasakyan na ginamit ng mga nakalipas na Pangulo ng bansa.