Albay, Philippines – Naaalarma na ang Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment And Natural Resources (DENR) sa paglala ng kalidad ng hangin sa mga lugar na apektado ng pagputok ng Bulkang Mayon.
Ayon sa Environmental specialist na si Engr. Nathan Campo, lubhang mapanganib na ang hangin na nalalanghap partikular sa lugar ng Guinobatan.
Sinabi ni Campo na nagtataglay na ang hangin ng high substance ng mga pollutants o particulates bunsod ng pagbubuga ng abo ng bulkan.
Base sa pinakahuling datos ng EMB Bicol gamit ang air pollution monitoring equipment, umabot na sa critical level ang air quality na nasukat na sa 553, gayong ang average o normal level lang ay 150.
Acutely unhealthy na rin ang air quality na naitala sa Ligao City mula January 21 hanggang 24 dahil sa ash fall.
Dahil sa ganitong sitwasyon, nag-aalala ang Department Of Health (DOH) na magdudulot ito ng pagtaas ng kaso ng mga sakit sa paghinga tulad ng asthma, ubo at sipon sa mga residenteng apektado ng ash fall.
Kaya naman nanawagan ang mga eksperto na hangga’t maaari ay manatili na lamang sa loob ng mga tahanan upang makaiwas sa mga respiratory ailments na maaring idulot ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon.