MAPAPAHUPA? | Rice tariffication bill – isa sa nakikitang solusyon ng NEDA para mapababa ang inflation rate

Manila, Philippines – Isa ang rice tariffication bill sa nakikitang solusyon ng National Economic Development Authority (NEDA) para mapahupa ang inflation rate sa bansa.

Ayon kay NEDA-Socioeconomic Planning Sec. Ernesto Pernia – hindi naging maganda ang timing ng National Food Authority sa importasyon at distribusyon ng bigas.

Aniya, ipinagtataka niya kung bakit hindi naipamahagi ang nasa 4.6 milyong sako ng bigas sa mga bodega ng NFA sa buong bansa na nagresulta ng pagmahal sa presyo nito.


Isa kasi aniya ang presyo ng bigas, gulay, isda at karne sa malalaking contributor ng inflation rate.

Sa ilalim ng rice tariffication bill, papayagan ang pag-aangkat ng bigas ng mga private sector kapalit ang pagbabayad nila ng taripa sa gobyerno.

Nauna nang sinabi ng malacañang na mas mapapabilis ang importasyon ng bigas kung pribadong sektor ang hahawak dito at mas mapapamura pa ang presyo.

Kahapon, matatandaang inirekomenda ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang malawakang importasyon ng bigas at pagbili ng aning palay sa mga lokal na magsasaka na naging solusyon daw niya noon nang pumalo sa 6.6% ang inflation rate sa bansa noong March 2009.

Facebook Comments