‘Marahas’ na pagpapalayas sa kiat-kiat vendor, binatikos online

Courtesy Joseph Deriada

Viral ngayon sa social media ang tila marahas na pagpapaalis sa isang kiat-kiat vendor na nakapuwesto sa harapan ng kilalang mall sa Barangay Mabolo, Cebu City.

Sa kuhang video ni Joseph Deriada, sapilitang tinataboy at kinukuha ng mga tauhan ng Prevention, Restoration, Order Beautification and Enhancement (PROBE) ang binebentang prutas ng lalaki.

Nangyari ang clearing operation sa labas ng SM City Cebu, bandang alas-5 ng hapon nitong Huwebes.


Pahayag ni PROBE President Raquel Arce, suspendido sa ngayon ang mga kawaning dawit sa insidente habang gumugulong ang imbestigasyon.

Ayon pa kay Arce, hinimok niya ang tindero na magsampa ng reklamo sa Cebu City Legal Office laban sa mga PROBE personnel.

Gayunpaman, nilinaw niyang ilang beses nang sumailalim sa seminar ang kiat-kiat vendor dahil mahilig maglako sa mga ipinagbabawal na puwesto.

Umani ng halos two million views at 60,000 shares ang video ng umano’y malupit na pagpapalayas.

Facebook Comments