Pinuna ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang mataas na bilang ng mga manggagawang Chinese sa dalawang tulay na pinapagawa ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa Metro Manila na parehong pinondohan ng China.
Sa budget hearing ng Senado ay sinabi ni DPWH Undersecretary Emil Sadain na sa ginagawa ngayong Binondo-Intramuros Bridge ay 45% ng mga trabahador ay Chinese at 55% ang mga Pilipino.
Sa ginagawa namang Estrella-Pantaleon Bridge ay 31% ng trabahador ay Chinese at 69% ang mga Pilipino.
Nilinaw naman ni Sadain na limitado lang ang mga manggagawang Chinese sa pagkakabit ng mga kagamitan na isinuplay ng China.
Ipinaliwanag din ni DPWH Secretary Mark Villar na special skills ng mga dayuhang manggagawa ang kanilang ikinokonsidera at hindi ang pagpapautang ng kanilang bansa para sa mga proyekto sa Pilipinas.
Sinigurado rin ni Villar na kaisa ang DPWH sa paglikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Kaugnay nito ay iginiit ni Pangilinan na dapat sa lahat ng pagkakataon ay prayoridad na mabigyan ng trabaho ang mga Pilipino lalo na ngayong marami ang nawalan ng ikinabubuhay dahil sa COVID-19 pandemic.
Bukod dito ay iminungkahi rin ni Pangilinan ang pagprayoridad sa pagbili ng mga produktong gawa ng Pinoy para sa ating mga proyektong pang-imprastraktura.