Maraming kalsada sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Ulysses, nananatiling sarado

87

Sarado pa rin sa publiko ang 11 road sections o kalsada sa iba’t ibang lugar na nasalanta ng Bagyong Ulysses.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), 2 dito ay sa Cordillera Administrative Region (CAR); 3 sa Region II; 5 sa Region III; at 1 sa Region IV-A.


Sinabi ng DPWH na nagpapatuloy pa ang clearing operations sa mga naturang kalsada na pansamantalang hindi magagamit dahil sa landslides, makapal na putik at may pagbaha pa rin.

Samantala, mayroon pang 6 na road sections na may limitadong access, isa rito ay sa Region II; 3 sa Region III at tig-isa sa Region V at Region VIII dahil sa roadslip, makapal na putik, baha at iba pang rason.

Sinabi ng DPWH na ang iba pang national roads at mga tulay na nauna nang naapektuhan ng Bagyong Ulysses ay nadadaanan na ng anumang uri ng mga sasakyan.

Sa pagtaya naman ng DPWH, aabot na sa P9-B ang inisyal na halaga ng mga pinsalang idinulot ng Bagyong Ulysses sa mga imprastraktura, kasama na ang mga kalsada, tulay, flood control, mga gusali at iba pa.




Facebook Comments