NAGBABALA ang isang ICT advocacy group na maraming Pinoy ang na-disenfranchise sa 5G network ng Dito-ChinaTel dahil limitadong bilang lamang ng smart phones ang compatible sa network services nito.
Pinalala pa ang problemang ito ng katotohanang ang feature phones, na ginagamit pa rin ng malaking porsiyento ng mga Pinoy, ay tumatakbo sa 2G, ginagamitan ng less-advanced systems, kaya hindi gagana sa isang Dito SIM card na tumatakbo sa 4G o 5G systems.
Ang isyung ito ay nalantad makaraang aminin ng Dito na limitadong bilang lamang ng smart phones ang compatible sa network services nito sa isinagawang commercial launch noong nakaraang March 8.
Nabunyag din ang mga limitasyon ng network, kabilang ang SIM card incompatibility, dahilan para pagtibayin ng mga stakeholder na marami pang dapat trabahuhin ang third telco bago ito makakuha ng mas malaking bahagi ng consumer market.
Sinabi ni Dito chief technology officer Rodolfo Santiago na bagaman ang ibang phones na wala sa short list nito ay maaari pa ring gumana sa network ng telco, hindi magagarantiyahan ng kompanya na hindi makararanas ang mga user ng ibang phone models ng technical issues dahil hindi sinuri ang mga ito para sa network compatibility.
“To protect the public, there may be technical issues that are unforeseen,” sabi ni Santiago.
Kinuwestiyon ng Democracy.net.ph, isang ICT advocacy group na inatasan ng Senate public services committee na i-assess ang commercial rollout ng Dito, ang desisyon ng third telco na simulan ang operasyon sa kanayunan kung saan karamihan sa mga consumer ay hindi gumagamit ng smart phones.
“The feature phone market in the Philippines is still very high, especially used by classes D and E, or our kababayans that run on 2G frequency. I’m surprised Dito Telecommunity restricted their list [of compatible phones],” pahayag ni Pierre Galla, engineer at co-founder ng Democracy.net.ph.
Napaulat na ipinatupad ng Dito ang naturang istratehiya sa layuning makapagbigay ng mas makabagong serbisyo kumpara sa ipinagkakaloob ng kakumpitensiya nitong Globe at PLDT.
Gayunman, ang mga lugar na pinili ng Dito para sa initial launch ay hindi tumugma sa naturang istratehiya dahil pinili nitong umarangkada sa Visayas at Mindanao kung saan ang mga potential subscriber sa maraming rural areas ay walang kakayahang bumili ng smartphones para magamit ang SIM cards ng Dito.
Sa kasalukuyan ay wala pang iniaalok na subscriber plan ang Dito na magkasama ang phone at SIM cards.
Ayon kay Galla, hindi bababa sa 60 percent ng mga Pinoy ang patuloy na gumagamit ng legacy phones tulad ng lumang Nokia models. May ilang taon nang kapwa hinihikayat ng Globe at PLDT ang mga subscriber na lumipat sa 4G mula 2G at 3G, ngunit karamihan sa mga ito ay nanatili sa lumang sistema.