Gamit-gamit na ni Cjay ang kanyang wheelchair na malaking tulong sa kanyang pangarap na makapag-aral at makapagtapos.
Nang marinig ni Teacher Erik Mission Ocbian ang LIBRENG WHEELCHAIR project ng Citizen Crime Watch (CCW) at RMN DWNX, hindi nag-aksaya ng panahon ang ulirang guro. Agad siyang pumunta sa DWNX upang sumangguni kung papaano makakuha ng LIBRENG WHEELCHAIR – hindi para sa kanyang sarili, hindi rin para sa kanyang pamilya… – kundi para sa kanyang estudyanteng si Cjay ng Zone 3, Barangay Del Rosario, Pamplona, Camarines Sur. Si Teacher Erik na rin ang tumulong kung paano ma-comply ng pamilya ni Cjay ang simpleng requirement na PWD Certification mula sa kanilang Punong Barangay.
Si CJAY NANTES RESURRECCION, 16 taong-gulang, biktima ng Polio, ay karga-karga ng kanyang tatay, araw-araw, para lamang makapag-aral sa public school sa bayan ng Pamplona, Camarines Sur. Masipag siyang mag-aral at ayaw niyang mag-absent sa klase, ayon pa kay Teacher Erik.
Ngayon, ito na si Cjay, gamit ang kanyang wheelchair at mas mabuti na ang kanyang kalagayan kaugnay ng kanyang pag-aaral. Dagdag kagaanan na rin para sa kanyang pamilya dahil mas nakakakilos na siya at nakakapag-ambag sa mga gawaing-bahay at komunidad ng may konting tulong; -hindi tulad ng dati na lubhang limitado ang kanyang pagkilos.
Laking pasasalamat din ang ipinapaabot ng pamilya sa LIBRENG WHEELCHAIR project ng Citizen Crime Watch (CCW) sa pangunguna ni Chairman Carlo Batalla at sa pakikipagtulungan ng DWNX Naga.
Hindi rin matawaran ang kasayahan ni Teacher Erik dahil sa kanyang munting paraan at sa programa ng CCW na kanyang narinig sa DWNX, nakatulong siya kay Cjay at sa pamilya nito.
Una ng ipinahayag ni CCW Head Carlo Batalla sa pamamagitasn ng DWNX na tuluy-tuloy ang LIBRENG WHEELCHAIR project para sa lahat ng nangangailangan at abot ng makakaya. Para sa karagdagang impormasyon kung papaano makakuha ng LIBRENG WHEELCHAIR, maari po kayong pumasyal sa DWNX Naga, Zone 6, Maharlika Hi-Way, Brgy. Del Rosario, Mil;aor, CamSur, o pwedeng tumawag sa telephone numbers (054) 873-0419 / (054) 873-0420 or cell number 0939-394-0894.