Sisimulan na ng Senado ang pagsasagawa ng marathon plenary sessions para talakayin ang proposed 2021 national budget na nagkakahalaga ng 4.5 trillion pesos.
Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ang pangkaraniwang session na hapon lang at mula Lunes hanggang Miyerkules lamang ay kaya nilang paabutin hanggang Biyernes na mula umaga hanggang gabi.
Wala rin munang mga pagdinig upang matutukan nilang mabuti ang paghimay sa pambansang budget at masiguro na makatutulong ito sa pagbangon ng bansa mula sa COVID-19 pandemic at mula sa mga humagupit na kalamidad.
Base naman sa ginawang schedule ni Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, kaniyang i-sponsor sa plenaryo ang 2021 budget bukas, November 10, 2020 at sa mga susunod na araw ay sisimulan na ang buong araw o hanggang gabi na pagtalakay rito.
Ayon kay Angara, target ng Senado na maipasa sa third and final reading ang panukalang 2021 budget sa November 24 habang ikakasa naman ang pagsalang nito sa Bicameral Conference Committee mula November 26 hanggang December 1, 2020.
Sa Disyembre ay dapat maipadala na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang budget upang kaniyang mapirmahan bago matapos ang taon at matiyak na magagamit na sa January 1, 2021.