Marawi City – Pinapurihan ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña ang AFP sa matagumpay na pagsagip kay Fr. Teresito “Chito” Soganub na halos apat na buwan ng hawak ng teroristang grupong Maute.
Sa ginanap na presscon sa CBCP, sinabi ni Bishop Dela Peña na bagamat nailigtas mula sa mga teroristang grupo si Fr. Soganub pero hindi umano nito masasabi na masaya siya dahil marami pa rin mga hostages na hawak ng mga teroristang grupong Maute bukod pa sa mahigit 360 libong Internally Displaced Persons o IDP na nakaranas matinding kahirapan at kalungkutan dahil sa nawawalan sila ng tahanan at pamilya dulot ng giyera sa Marawi.
Umaasa si Bishop Dela Peña na ang pagpapalaya kay Fr. Chito ay unang hakbang upang mapalaya o ma-rescue na rin ang iba pang mga bihag na ang karamihan ay kababaihan.
Umapela rin sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ng makabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga Maranao para muling maitayo ang mga nasirang gusali at tahanan.