Marawi rehabilitation, kailangang madaliin kasunod ng pambobomba sa MSU

Iginiit ng mga kongresista ang pangangailangang madaliin ang rehabilitasyon sa Marawi City kasunod na rin ng pambobomba sa Mindanao State University.

Apela ito ng mga mambabatas makaraang lumabas sa pulong ng Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims Compensation na may delay umano sa ilang mga proyekto kaugnay sa Marawi rehabilitation gaya ng patubig at pabahay.

Babala ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, ang mabagal na “development” sa Marawi City ay maaaring magamit ng mga terorista laban sa gobyerno.


Paliwanag naman ni Task Force Bangon Marawi Field Office Manager Felix Castro Jr., kaya na-delay ang implementasyon ng housing projects ay dahil inokupa ng mga informal settler ang housing units na para sa mga residente ng Marawi City na nawalan ng tahanan dulot ng pag-atake noon ng Maute terrorist group.

Ayon kay Castro, ang Phase 1 at 2 ng Pamayandeg Ranaw Residences na target matapos ngayong taon ay mayroong completion rate na 74.88% sa land development at 79.88% sa pagtatayo ng mga bahay.

Habang ang Phase 3 at 4 naman ay may 93.18% progress rate pagdating sa land development at P80.01% sa housing construction.

Aminado naman si Castro na nasa nasa 39% pa lang water supply at sewerage system sa lugar.

Diin naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na siyang chairperson ng komite, hindi lang ang pisikal na pagbangon ang mahalaga sa Marawi kundi pagbangon din sa social, economic at psychological na sugat na idinulot ng Marawi siege.

Facebook Comments