Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga abogado at matataas na opisyal ng kanyang administrasyon upang talakayin ang posisyon ng gobyerno sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa drug war sa Pilipinas.
Kapwa ito kinumpirma nina Solicitor General Menardo Guevarra at Justice Secretary Boying Remulla pero hindi sila nagbigay ng detalye ukol sa pulong.
Ayon kay Remulla, kung siya ang tatanungin ay walang hurisdiksyon sa bansa ang ICC pagdating sa mga nasabing usapin dahil hindi na tayo miyembro nito.
March 2019 nang mag-withdraw ang Pilipinas sa Rome Statute.
Noong nakaraang buwan, hiniling ni ICC Prosecutor Karim Khan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon nito sa anti-drug campaign ng nagdaang Duterte administration.
Matatandaang ipinagpaliban noon ang imbestigasyon kasunod ng hiling ng gobyerno ng Pilipinas pero iginiit ni Khan na bigo ang bansa na magpakita ng mga ebidensya at detalye ng sarili nitong imbestigasyon sa mga drug-related killing.
Samantala, dumalo rin sa pulong sina Executive Secretary Vic Rodriguez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile habang present din si Atty. Harry Roque bilang private counsel.