Mariing tinututulan ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo Ordanes na buwagin ang partylist system sa bansa.
Pero paglilinaw ni Ordanes pabor syang masuri ang sistema at kung may magiging sapat na basehan ay magkaroon ng reporma.
Paliwanag ng mambabatas, kapag binuwag ang partylist system, madedehado ang marginalized sector ng lipunan dahil mawawalan sila ng representasyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Tulad aniya ng mga nakakatandang populasyon ng bansa na siya ang kumakatawan at boses sa Kamara.
Binanggit din nito ang mga isinulong niyang panukala sa Kamara, kabilang na ang pagtatag sa National Commission of the Senior Citizens at ang P1,000 buwanang pensyon sa mga indigent senior citizens.
Kasama sa panukala na bigyan ng buwanang pensyon ang lahat ng mga mahihirap na senior citizens at ang tanging patunay lang na kailangan ay wala silang regular na pinagkakakitaan.
Sa huling datos, tinataya na may 12 milyong senior citizens sa bansa at kalahati sa kanila ang walang pensyon.
Matatandaang una nang inirekumenda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa papasok na bagong kongreso ang pagbuwag sa partylist system dahil nagagamit lamang ito para maisulong ang interes ng mga makakaliwang grupo.
Bagamat suportado ito ni Ordanes sinabi nitong mas matimbang parin ang kapakanan ng mahihirap at walang kakayahan na maipahayag ang kanilang mga karaingan.
Ngayon, kabilang ang Senior Citizens Partylist sa nahalal noong nakaraang eleksyon, sinabi ni Ordanes na patunay lamang ito na may nagagawa sila sa Kamara at pinagkakatiwalaan.
Noong 2019 elections, ibinoto ang naturang partylist ng 516,927 botante at sa katatapos na eleksyon, nakapagtala na sila ng 605, 187 votes base sa partial and unofficial results.