Manila, Philippines – Kinumpirma ni Rappler CEO Maria Ressa na hindi na siya matutuloy ngayong araw sa kaniyang biyahe palabas ng bansa.
Ito ay matapos siyang arestuhin kagabi ng National Bureau of Investigation o NBI sa kasong cyber crime na isinampa ni businessman Wilfredo Keng.
Ngayong araw ay tutungo sa Manila RTC Branch 46 si Ressa para maglagak ng piyansa.
Ayon kay Ressa, dalawang oras lang siyang nakatulog kagabi sa NBI Headquarters.
Kinuwestiyon din ni Ressa ang pagkakadiin sa kaniya sa kaso, gayung hindi pa aniya noon batas ang cyber crime law nang panahong ilathala ng Rappler ang sinasabing pagpapagamit ni Keng kay yumaong Chief Justice Renato Corona ng kaniyang SUV.
Iginiit din ni Ressa na naging patas sila sa nasabing artikulo dahil makailang ulit naman niyang kinuha ang panig ni Keng.