Manila, Philippines – Pumalag si dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos sa kanya isisi ang mabagal na land conversion process.
Ayon kay Mariano – tila “kating-kati” ang Pangulo at kasalukuyang Agrarian Reform Secretary John Castriciones na pabilisin ang conversion ng agricultural lands sa bansa.
Naniniwala ang dating kalihim na kaya isinisisi sa kanya ng Pangulo ang problema ay para bigyang-matwid ang inisyung Administrative Order (AO) ni Castriciones.
Aniya, ang A.O. ni Castriciones ay makakasama lamang sa estado ng ating mga magsasaka at ng national food security.
Giit pa ni Mariano – ginampanan niya ang kanyang tungkulin na protektahan ang mga magsasaka maging ang kanilang land tenurial rights.
Noong 2016 pa lamang ay iminungkahi na ni Mariano kay Pangulong Duterte ang Executive Order (EO) para sa two-year moratorium sa pagtanggap at pagproseso ng land conversion application upang maprayoridad ang food security at ang proteksyon ng natitirang agricultural lands mula sa conversion nito bilang real estate, eco-tourism, at commercial use.