Marijuana, nakuha sa ilong ng lalaki 18 taon makalipas mula nang ipuslit sa kulungan

Isang pakete ng marijuana ang tinanggal sa ilong ng isang lalaking nagpuslit nito sa bilangguan 18 taon na ang nakararaan.

Ayon sa mga doktor sa Australia na nag-ulat ng kaso sa British Medical Journal, nataggap ng lalaki ang drogang itinago sa lobo mula sa kanyang nobya na dumalaw sa kulungan.

Isinuksok ito ng 48-anyos na preso sa kanang butas ng ilong para itago sa mga guwardiya, ngunit hindi niya na muling nailabas matapos maitulak nang malalim.


Sa kabila ng mga sintomas ng impeksyon sa ilong kasunod ng insidente, inakala niyang nalunok niya ang droga.

Sa loob ng 18 taon, ang bumarang pakete ay naging rhinolith o bato na nabubuo mula sa napabayaang bagay sa ilong.

Ayon sa mga doktor ng Westmead Hospital sa Sydney, napag-alaman lamang ng lalaki ang problema matapos isangguni ang matinding sakit ng ulo.

Sumailalim sa CT scan ang pasyente at nadiskubre ang “rubber capsule containing degenerate vegetable/plant matter” na tinanggal ng mga doktor.

Sa sumunod na imbestigasyon, naalala naman ng pasyente ang insidenteng nangyari noong nakalipas na 18 taon.

Tatlong buwan matapos ang operasyon, napaulat na tuluyan nang gumaling ang problema ng lalaki sa ilong.

Sinasabi naman ng mga mananaliksik na ito ang kauna-unahang kaso ng “prison-acquired marijuana-based rhinolith.”

RELATED STORIES:

Shabu sa bulalo, tinangkang ipuslit ng dalaw sa Bilibid

Babaeng nagtangkang magpuslit ng droga sa durian, huli sa Malaysia

Facebook Comments