Marikina City government, target na mabakunahan ang 30,000 indibidwal sa 3-araw na National Vaccination Drive

Naniniwala si Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na matatamo nila ang kanilang target na 30,000 indibidwal na mababakunahan sa loob ng tatlong araw na National Vaccination Drive.

Ayon kay Mayor Teodoro, napili ng Department of Health (DOH) ang Marikina City para sa ceremonial kick-off ng Nationwide Vaccination Drive dahil sa naging maayos at disiplinado ang ginawang pagbabakuna laban sa COVID-19.

Paliwanag ng alkalde na 30,000 bakuna ang ibinigay sa kanila ng national government kung saan ang target nilang mabakunahan sa loob ng isang araw ay 10,000 na indibidwal upang makaambag ang Marikina Local Government Unit (LGU) ng 30,000 indibidwal para sa national vaccination rollout.


Dagdag pa ni Mayor Teodoro para maging organisado ang pagbabakuna at maging convenient ang publiko, naglaan ang LGU ng apat na vaccination sites kabilang ang Marikina Sports Complex para sa pediatric vaccination, Marikina Convention Center para naman sa booster shots, Sto. Niño Elementary School para sa persons with comorbidities, at Marikina Elementary School para naman sa first dose.

Giit pa ng alkalde na pinahihintulutan ang mag-walk-in sa Marikina Elementary School para sa mga hindi pa nakatatanggap ng kanilang first dose pero hinihikayat pa rin ang lahat na magparehistro muna bago ang pagbabakuna.

Facebook Comments