Muling pinag-aaralan ng Marikina City Government ang disensyo at ruta ng mga bike lanes sa lungsod para mas maiakma sa sitwasyon sa kasalukuyan.
Taong 2000 pa nagkaroon ng bike lanes ang Marikina na tinaguriang Bike Capital.
Dahil sa bentaheng ito ng lungsod, kinukonsulta ng ilang mga sektor ang Marikina partikular na si Mayor Marcy Teodoro upang kumopya ng programa.
Isa sa mga napahanga ng Marikina ay si Senadora Pia Cayetano na isang bike enthusiast at kamakailan ay nagbigay ng libreng bisikleta para magamit ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod.
Naniniwala si Mayor Marcy na malaking tulong ang magkakakonekta o interconnected bicycle lanes na nagdudugtong sa mga transport hub tulad ng LRT at PUV terminals para sa mga gumagamit ng bisikleta sa kanilang biyahe papunta sa trabaho, eskwelahan, at maging sa paglilibang o leisure biking.
Pinagmumulta rin sa Marikina ang mga de-motor na sasakyang dumadaan sa mga kalsadang nakalaan lamang para sa mga nagbibisikleta upang maging ligtas ito.
Ayon kay Mayor Teodoro, bukod sa pagiging eco-friendly, matipid sa gasolina, at mainam na paraan ng pag-eehersisyo, ang pamimisikleta ay naging solusyon ng maraming tao bilang alternatibong uri ng transportasyon ngayong may pandemya.