Magpapatupad ng mas mahigpit na alituntunin sa Marikina Public Market ang Marikina City Government matapos na magpositibo sa COVID-19 ang 29 na trabahador nito.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, ipinasara na niya ang mga tindahan kung saan may nagpositibo sa virus.
At bilang bahagi ng health at safety protocol, ipatutupad sa palengke ang odd-even scheme kung saan hindi sabay-sabay na makakapagtinda ang mga stall para maipatupad ang social distancing at maiwasan ang pagsisiksikan ng mga tao.
Plano rin ng lokal na pamahalaan na isara ang palengke dalawang beses kada linggo para makapag-disinfect.
Ang Marikina ang may pinakamababang transmission ng COVID-19 sa lahat ng lungsod sa Metro Manila.
Samantala, ipinagmalaki rin ni Pateros Mayor Miguel ‘Ike’ Ponce III ang maagap at mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols para ma-contain ang virus.
Sa ngayon, 11 na lang ang active cases ng COVID-19 sa lungsod habang COVID-free na rin ang anim na barangay nito.
Sa survey ng RLR Research and Analysis Inc., si Mayor Teodoro ay pumangalawa sa mga alkalde sa Metro Manila na nakakuha ng pinakamataas na satisfaction rating na 95% hinggil sa naging pagtugon nila sa pandemya, pangatlo si Mayor Ponce na may 94%.
Habang nanguna si Pasig City Mayor Vico Sotto na may 97% satisfaction rating.
Ayon kay Ruel Rosal, Business Development Head ng RLR, layon ng non-commissioned survey na isinagawa mula May 4 hanggang June 2, 2020 na makatulong sa pagbibigay impormasyon sa publiko, partikular na pagtugon ng pamahalaan laban sa COVID-19.