Marikina PNP, itinanggi na tauhan nila ang sumita sa isang reporter na nagla-live sa Marcos Highway

Nilinaw ni Police Colonel Restituto Archangel na hindi Marikina Police kundi nakatalaga sa Police Regional Battalion Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang apat na pulis na sumita sa isang radio reporter na nagla-live report sa kahabaan ng Marcos Highway na sakop ng Marikina City.

Ayon kay Archangel, walang bagong patakaran o Memorandum ang Marikina Police na kailangang magpaalam ang mga miyembro ng media para mag-ulat sa mga pampublikong lugar.

Matatandaan na kahapon, nilapitan ang radio reporter ng apat na pulis, hinanapan ng media ID at sinabihan na dapat ay nagpaalam muna sa kanila bago nag-live report dahil baka kasama sila sa mga nakunan.


Pero nang paliwanagan ng reporter na wala siyang alam tungkol sa ganung patakaran, sinabihan umano siya ng isang pulis na “baka kasi kalaban” siya.

Humingi ng paumanhin sa reporter ang Philippine National Police (PNP) at tiniyak na itinataguyod ng pambansang pulisya ang kalayaan sa pamamahayag at itinuturing ang media bilang kakampi at katulong sa pagpapatupad ng peace at order.

Una ritong iginiit naman ni Joint Task Force (JTF) COVID-Shield Commander at PNP Deputy Chief for Operations Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na hindi bawal ang pagkuha ng video sa pampublikong lugar maging miyembro man ng media o pribadong indibidwal.

Facebook Comments