Naglabas na ng kanyang saloobin si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco hinggil sa isyu ng term-sharing agreement nila ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Velasco, nananatili siyang tahimik sa isyu sa kabila ng mga pag-atake sa kanya ni Cayetano at ng kampo nito.
Ginawa niya ito bilang isang gentleman, statesman at pagrespeto na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinawag din nito na drama lamang ang paghahain ni Cayetano ng resignation.
Hindi niya tuloy maiwasang magduda pati ng ilan sa ginagawang pagpipilit pa rin ni Cayetano na manatili sa pagiging lider ng Kamara hanggang sa Disyembre.
Kasabay nito ay humingi ng paumanhin ang Marinduque solon kay Pangulong Duterte na sa kabila ng pamamagitan sa isyu ay hindi pa rin nasunod ang payo nito.
Humiling din ng pangunawa si Velasco sa publiko dahil aniya sa nakakahiyang pangyayari na kinasasangkutan ngayon ng kanilang mga kinatawan.
Pinaalalahanan naman ni Velasco si Cayetano na tuparin ang pangako na ipapasa ang 2021 proposed national budget sa October 14 kasabay ng pagbaba nito sa pwesto sa araw na iyon bilang pagkilala sa term-sharing agreement.