Nagpasalamat si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa pagkakaendorso sa kanya ng leading party na PDP-Laban bilang Speaker ng 18th Congress.
Kasunod nito ay tiniyak ni Velasco sa mga kasamahang kongresista na pag-iisahin niya ang mga miyembro ng Kamara kapag nahalal bilang House Speaker.
Nangako ang kongresista na makikinig siya sa mga miyembro at magiging decisive leader.
Una rito, pumirma sa multiparty manifesto of support para kay Velasco ang limang lider ng iba’t ibang grupo kabilang si Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales ng PDP-Laban; Rizal Rep. Michael John Duavit at Valenzuela Rep. Weslie Gatchalian ng National People’s Coalition; 1-Pacman Party-list Rep. Michael Romero, na presidente ng Partylist Coalition Foundation; at Ilocos Sur Rep. Kristin Singson-Meehan, na kumakatawan sa Northern Alliance bloc.
Naniniwala ang mga ito na si Velasco ang best choice para mamuno sa Kamara sa 18th Congress.
Tinanggihan rin ng mga mambabatas ang panukalang term sharing, at iginiit na dapat magsilbi ng buong termino ng Speaker para matapos ang legislative agenda ni Pang. Duterte sa natitirang tatlong taon.