Iminungkahi ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa pamahalaan na palakasin ang sektor ng marine farming o mariculture dahil maaari itong pagkakitaan ng malaki at sagot din sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain sa bansa.
Ayon kay Lee, sa ngayon ay mayroon nang mga nakikinabang sa paggamit ng marine farming system kung saan ang ibang naaaning aquatic products ay nagiging pang-export kaya kikita rin dito ng dolyar ang Pilipinas.
Paliwanag ni Lee, ang aqua culture productions ay kinabibilangan ng sea cage, long lines at iba pang culture method structures na nasa marine o coastal areas.
Kabilang naman sa high value species na maaaring maani at mapagkakitaan ng malaki mula rito ay bangus, danggit, seaweeds, talaba, tahong, maya-maya, lapu-lapu, sugpo, alimango at iba pang maaaring mabuhay at maparami sa mga nasabing aqua culture method.
Kaugnay nito ay inihain ni Lee ang House Bill No. 5531 o National Mariculture Program (NMP) Bill, na naglalayong mapalawak pa ang saklaw ng kahalintulad na programang ipinatutupad sa ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Nakasaad sa panukala ni Lee na dapat gumamit ang gobyerno ng ecosystem-based approach na magtitiyak na ang marine environment ay lubos na mapangangalagaan at ang potensiyal nito para sa aqua culture livelihood and productions ay magiging kapaki-pakinabang.