
Nagsagawa ng Maritime Air Patrol (MARPAT) ang Special Mission Aviation Company ng Aviation Regiment ng Philippine Army kahapon June 19, 2025 sa bahagi ng Central Visayas.
Ayon kay PA Spokesperson Col. Louie Dema-ala gamit ang Cessna 172 aircraft, nilibot ng tropa ang kalangitan sa hilagang bahagi ng Bohol, baybayin ng Maasin City, Surigao Strait, Leyte Gulf, at kanlurang karagatan ng Baybay City sa Leyte.
Ani Dema-ala, bahagi ito ng regular na air patrol ng Philippine Army sa buong Luzon, Visayas, at Mindanao upang mapalakas ang Maritime Domain Awareness sa bansa.
Sinabi pa ni Dema-ala na ang tuloy-tuloy na pagsasagawa ng MARPAT ay pagpapakita ng suporta sa mga inisyatibong pang-seguridad at pang-surveillance ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa ating maritime domain.









