Hiniling ni Oriental Mindoro 2nd District Rep. Alfonso Umali Jr., sa House Committee on Transportation na busisiin kung sapat ang mga umiiral na “Maritime Laws” at “safety standards” para mapanagot ang may-ari ng mga barko at iba pang sasakyang-pandagat na nasasangkot sa aksidente sa karagatan.
Nakapaloob ito sa inihain ni Umali na House Resolution 835 kasunod ng paglubog ng MT Princess Empress sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro na nagdulot ng malawakang “oil spill” at naka-apekto na sa kabuhayan at kalusugan ng libo-libong pamilya sa probinsya.
Nakakalungkot, ayon kay Umali, na may mga ulat na may mga biktima na mga aksidente sa karagatan ang hindi pa rin nakakakuha ng hustisya at bayad-pinsala, habang bigo ring mapanagot ang mga sangkot.
Ito ang dahilan ayon kay Umali kaya kailangang masilip ang kasalukuyang mga batas, pamantayang pang-kaligtasan at kinauukulang mga patakaran upang makita kung ano ang mga dapat na ayusin o baguhin.
Diin pa ni Umali, ang “maritime transport” ay may nakapalaking papel sa “transport network” sa Pilipinas, na isang “archi-pelagic” na bansa.