Umaapela ang ilang kongresista na isama sa “fuel subsidy program” ng pamahalaan ang domestic maritime transport industry, mga banca operators at maliliit na mangingisda.
Giit ng Marino Partylist sa Kamara, ang fuel subsidy program ng gobyerno ay nakatuon sa mga jeepney at tricycle operators at hini ndabibigyang pansin ang domestic shipping operators at fisherfolks na nakadepende rin sa langis ang kanilang kabuhayan.
Tinukoy pa nila na apektado rin ang nasabing sektor ng nagtataasang presyo ng bilihin dala ng negatibong epekto ng oil price hike.
Hiling ng Marino Partylist sa national government gayundin sa mga mambabatas sa Kamara at Senado na isama sa fuel subsidy programs ngayong taon ang domestic maritime transport industry at mga maliliit na mangingisda.
Malaking tulong umano ito sa mga bangka operators at mga mangingisda na ramdam din ang pagmahal sa presyong langis at gasolina.
Kailangan ding maging holistic at inclusive ang pamahalaan sa pamamaraan ng pagpapaabot ng tulong sa mga nasasakupan.