Walang pananagutan ang aktor na si Mark Anthony Fernandez makaraan itong sumingit sa listahan ng mga mababakunahan ng kontra COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing na base sa kanilang konsultasyon sa kanilang legal team ay ang tanging may liability kapag hindi nasunod ang national deployment and vaccination program ay ang mga taong gobyerno.
Pero dahil ordinaryong tao lamang si Fernandez, sa ngayon ay walang maikakaso rito.
Sa kabilang banda, sinabi ni Densing na ang maaaring makasuhan dito ay ang taong nagpasingit kay Fernandez na walang iba kundi si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.
Ani Densing, duda siya sa kredibilidad ng substitution list ng pamahalaang lungsod ng Parañaque dahil posibleng ito ay palakasan o nabayaran.
Kaya bilin ni Densing kay Olivares, magpaliwanag at bigyang katuwiran ang pagpayag nitong makasingit sa vaccination program ang mga hindi medical health workers.
Panawagan pa nito, makonsensya naman sa mga sumingit dahil ang dapat binibigyang prayoridad sa ngayon sa bakuna ay ang mga medical frontliners na sumasagupa araw-araw sa COVID-19.