Nasa 4,000 mga pulis ang ipapakalat ngayong araw sa mga lugar na pagdadausan ng mga kilos protesta kaugnay ng paggunita sa ika-46 taong anibersaryong pagdeklara ng martial law.
Ayon kay NCRPO Regional Director Chief Guillermo Eleazar, mayroon ring 1,500 mga pulis ang magsisilbing standby force at nakahanda sakaling kakailanganin.
Bagaman walang banta sa seguridad sinabi ni Eleazar na naniniguro lang sila.
Sabi pa ni Eleazar, mahigpit na ipapatupad ang maximum tolerance at rerespetuhin ang karapatang pantao lalo at halos magkalapit lang ang gagawing mga kilos protesta ng pro at anti-Duterte administration.
Ang mga supporter ng Pangulo ay sa tapat ng Quirino Grandstand ang pagtitipon habang ang mga anti ay sa bandang Luneta Park sa Roxas Boulevard.
Ipinag-utos na rin ni PNP Chief Oscar Albayalde na palakasin ang checkpoint operation sa buong bansa para maiwasan na may mga improvised explosive device (IED) na makalusot.
Pinaigting rin ng PNP ang kanilang intelligence monitoring laban sa mga miyembro ng komunistang grupo dahil sa bantang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
May mga nakakalat din na mga intelligence operatives na siyang tututok sa mga miyembro ng NPA na may kaso at makikilahok sa kilos protesta.