Martin Diño, dapat nang bakantehin ang opisina sa SBMA – Palasyo

Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na hindi na kailangan ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte para umalis sa opisina si dating SBMA Chairman Martin Diño.

Ito ang sinabi ng Palasyo matapos magmatigas si Diño na manatili sa posisyon sa kabila ng inilabas na executive order number 42 na nagtatanggal ng kapangyarihan kay Diño bilang Chairman ng SBMA at ilipat ito kay Willma Eisma na ngayon at tumatayo nang Chairman and Administrator ng SBMA.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, sapat na ang inilabas na executive order at ang appointment paper ni Eisma bilang Chairman at Administrator ng SBMA para malaman ni Diño na dapat na niyang bakantehin ang kanyang opisina.


Hindi na aniya kailangan pa ng utos ni Pangulong Duterte dahil sapat na ang utos ni Eisma bilang Chairman and administrator para umalis si Diño.

Matatandaan kasi na naglabas ng papel si Diño na nagsasabi na hindi siya aalis sa SBMA hanggang walang kautusan mula kay Pangulong Duterte.

Matatandaan din na inamin ni Pangulong Duterte na inalok nga niya ng posisyon si Diño sa DILG pero wala pa namang inilalabas na papel ang Palasyo.

Facebook Comments