Bumabalangkas ngayon ang Armed Forces of the Philippines o AFP ng revised memorandum order kaugnay sa Presidential Proclamation No. 55 na nagdedeklara ng state of emergency sa buong Mindanao dahil sa lawless violence.
Sa kanyang pagharap sa Commission on Appointments (CA) ay sinabi ni AFP Chief General Gilbert Gapay na kanilang irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na gawing komprehensibo ang pagpapatupad ng state of emergency sa Mindanao.
Sagot ito ni Gapay sa tanong ni Congresswoman Josephine Sato sa CA hearing ukol sa panawagan na ilagay sa Martial Law ang lalawigan ng Sulu kasunod ng bombing incident nitong August 24.
Ayon kay Gapay, nananatiling option ang Martial Law dahil sa ngayon ay sapat pa ang state of emergency para malabanan nila ang terorismo.
Ipinaliwanag ni Gapay na kasama sa ginagawa nilang memorandum ang pagtulong ng mga Local Government Units at mga ahensya ng pamahalaan sa paglaban sa terorismo.