MAS LIGTAS NA LOKASYON PARA SA NASABAT NA BARKONG MAY LAMAN NA SMUGGLED NA LANGIS SA BAYAN NG SUAL, HINILING NG GOBERNADOR NG PANGASINAN SA BOC

Hiniling ngayon ng Gobernador ng Pangasinan na si Gov. Ramon Guico III sa Bureau of Customs nitong Lunes na ilipat sa mas ligtas na lokasyon ang barkong nasabat sa baybayin ng Sual na naglalaman ng higit milyong halaga ng smuggled na langis.
Layunin ng hiling ng opisyal sa BOC ay upang maprotektahan ang bay area ng bayan ng Sual kung sakaling tumagas ang krudo mula sa barko na magiging dahilan ng pagkawasak o pagkasira ng dagat.
Ayon kay Provincial Legal Officer Baby Ruth Torre na sumulat ito sa BOC para gawing pormal ang kahilingan ng gobernador.

Ang barkong MV Veronica I ay nasa kustodiya na ngayon ng tanggapan ng BOC sa Sual matapos makuha ng ahensya ang barko nang hindi nito maipakita ang mga kinakailangang dokumento para sa kargamento nito.
Matatandaan na ang barko ay may dalang 1.35 milyong litro ng krudo na nagkakahalaga ng P54 milyon.
Samantala, kung sakaling ang langis ay tatagas, maapektuhan nito ngayon ang malaking bahagi ng karagatan na kinalalagyan ng mariculture area ng bayan kung saan matatagpuan ang mahigit 800 bangus cages.
Ang Sual, at ang mga bayan ng Bolinao at Anda, ay nagbibigay ng humigit-kumulang 80 porsiyento ng bangus na pinalaki sa probinsya.
Sa ngayon, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ahensya upang agad na magawan ng aksyon pagdaong ng barko at upang hindi na makapaminsala sa karagatan. |ifmnews
Facebook Comments