
Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagpapalakas sa kapangyarihan ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ang mas mabigat na parusa laban sa mga civil registrar na sangkot sa pagrerehistro ng pekeng birth certificates.
Sa harap aniya ito ng tumataas na kaso ng ganitong insidente katulad na lamang ni dating Mayor Alice Guo.
Kaugnay nito, naghain si Gatchalian ng Senate Bill 2914 na layong bigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang PSA at magtatag ng komprehensibo at epektibong civil registration at vital statistics system.
Sa pamamagitan aniya nito, mapapalitan ang umiiral na Philippine Law on Registry of Civil Status na 94 taon nang ipinasa.
Sa kasalukuyan, ang parusa sa ganitong pagkakasala ay limitado lamang sa pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan o multang P200 hanggang P500, o parehong parusa.
Magugunitang lumutang ang isyu sa pagdami ng pekeng birth certificate matapos mabisto na iligal na nakuha ni Guo ang kanyang birth certificate sa Pilipinas.