Hiniling ni Anakalusugan Party-list Representative Ray Reyes sa gobyerno na padaliin ang access ng mga buntis sa serbisyong medikal ng pamahalaan lalo na sa mga liblib o malalayong lugar.
Panawagan ito ni Reyes makaraang lumabas sa report ng United Nations Population Fund Philippines na anim hanggang pitong Pinay ang namamatay sa pagbubuntis at panganganak, dahil sa kawalan ng access sa health services.
Base sa report, 14% sa mga nagdadalang tao ang hindi regular na nakakapagpatingin sa klinika o ospital sa panahon ng kanilang pagbubuntis.
Isa naman sa bawat sampung kababaihan ang hindi nanganganak sa health facility at walang gabay o tulong mula sa isang healthcare professional.
Tinukoy rin ni Reyes ang datos mula sa Philippine Statistics Authority na dahil sa pagbubuntis o panganganak ay 2,478 kababaihan ang nasawi noong 2021 at 1,458 naman noong 2019.
Giit ni Reyes, kailangang maglaan pa ng mas maraming resources para masigurong may sapat at madaling access sa health services ang mga kababaihan sa kanilang pagdadalang-tao at panganganak.